Tulong-tulong pag may time…mga mabibigat na gawaing pinagagaan ng bonding-tulongan sa pamilya

Sa ating lipunan, karaniwan nang nakaatang sa balikat ng mga kananayan ang pagmimintina ng tahanan at tungkulin naman ng mga katatayan ang magtrabaho para sa mga gastusin ng pamilya.  Pero sa panahong ito, hindi na gaanong strikto ang ganitong pagkakahati ng mga gawain.  Sa paiba-ibang demand ng mga employer, hindi na bibihirang magkabaliktad ang mga roles na nabanggit.  Pero kahit pa may trabaho din ang nanay, hindi maiiwasang sa kanya pa rin nakaatang ang pagtitiyak sa mga usapin sa loob ng tahanan.  Ano ba ang pinakamahirap na mga gawain ng sa loob ng ating tahanan?

1.  Pagbabadyet – sa hirap ng buhay ngayon, isang higanteng hamon ang pagkasyahin ang sweldong hindi nadadagdagan sa mga gastusing patuloy na tumataas.  Dapat lang matutong magbawas ng gastusin at konsumo ang buong pamilya, ang pagtitipid ay hindi lang problema ng nagbabadyet.  Unahin muna ang mga “needs” (ang pinakabatayang mga pangangailangan gaya ng pagkain, damit, kuryente, tubig, edukasyon at kalusugan)  kesa sa “wants” (bagong cellphone, gadgets, appliances atbp na di naman talagang kailangan).  Mas mainam kung bawat miyembro ng pamilya ay may “savings” para makita ng bawat isa kung gaano kahalaga ang may impok at hindi masanay sa “bilmoko” attitude.

2.  Paglilinis – habang lumalaki ang pamilya, dumarami ang kailangang asikasuhin at siguradong hindi ito kakayanin ng isang tao lang.  Turuan ang bawat miyembro ng pamilya ng prinsipyo ng mga chef na “CLAYGO” o “clean as you go”, ibig sabihin, huwag nang ipunin pa ang mga dumi, pulutin ang maliliit na kalat at linisin ang sariling mga kalat.  Huwag laging umasa sa general cleaning kung kailan naipon na ang mga dumi, kumapal na ang alikabok at mas matrabaho na ang paglilinis.  Kung may mga anak na pwede nang bigyan ng task, ipaubaya na sa kanila ang mga simpleng gawaing pagwawalis, pagpupunas, pagliligpit ng tinulugan atbpng magagaang na gawain, training nila ito para sa mas mabibigat na responsibilidad sa hinaharap.

3.  Pagluluto – mas mainam na hindi lang iisang tao ang nagluluto para sa buong pamilya.  Kung kakayanin, mag-delegate sa iba pang miyembro ng pamilya; halimbawa; si ate ang magluluto ng almusal, si kuya sa lunch, etc pero dapat siguruhing hindi ito babangga sa iskedyul nila sa eskwela na priority dapat ng mga bata.  Ang mga mas batang miyembro ng pamilya ay pwedeng paghugasin ng gulay, isama sa pamamalengke o patulungin sa paghahanda ng makakain.  Sa ganito kasi, matuturuan ang mga bata na mag-effort para me makain at hindi iyung tipong tatawagin na lang para kumain at pagkatapos kumain ay iiwan na lang ang pinagkainan.  Itoka din ang iskedyul ng pagliligpit ng kinainan at paghuhugas ng pinggan kahit may pasok sa eskwela, ang bata ay dapat maagang turuang maglaan ng panahon sa paggampan ng gawaing bahay dahil ang mga gawain sa bahay ay gawain ng bawat-isa sa atin habang-buhay at siguradong kakailanganin ng bawat isa ang skill na ito para pumasa sa kanilang mga in-laws, hehe! 

4.  Paglalaba – kung once-a-week lang ang paglalaba, siguraduhing i-prioritize ang mga uniporme para hindi na lalabhan pa nang hiwalay ang mga ito, sayang sa tubig at sabon.  Ipakita at ituro sa mga bata ang proseso ng paglalaba at kung malaki-laki na sila ay i-delegate silang magsampay o magbanlaw.  Turuan ang mga batang maglaba ng sarili nilang mga underwear atbp maliliit na piraso ng damit gaya ng panyo, medyas at bimpo; ito ang magiging praktisan nila sa paglalaba at pagpapaputi ng mas malalaki at maseselang mga damit.  Hindi dapat sundin ang ipinapakita sa mga patalastas ng sabong panlaba na nanay lang ang namumroblema sa pag-aalis ng mga mantsa; ituro sa mga bata na kung maagang masisira at mamamantsahan ang kanilang mga damit ay hindi sila agad-agad maibibili ng bago.

5.  Pagsusulsi, pananahi at pagtatagpi – kanina lang ay sinusulsihan ko ang kubrekamang pinunit ng aking makulit na tsikiting at sa laki ng punit, nakakapagod ding tahiin.  Kaya naisip kong pag malaki-laki na si kulit ay ipapakita ko kung paano magsulsi para pag marunong na siya ay siya na lang ang magtatahi sa mga damit na mapupunit niya sa kalikutan niya.  Basic life skill ito na dapat matutuhan talaga ng mga bata at hindi lang bilang mga project sa eskwela dahil hindi pwedeng wala silang mapupunit na damit o matatanggal na butones o matatastas na laylayan sa buong buhay nila at dapat kaya nila itong remedyuhan kahit wala si nanay, di ba?

Kung pinagtutulungan at hinaharap nang sama-sama, hindi sana magiging ganoon kabigat ang housekeeping para sa mga nanay at tatay na nakatoka rito.  Tandaan na ang tahanan ang unang paaralan ng ating mga anak at ang maagang pagkamulat at pagkatuto ng kasipagan, kasinupan at pagiging responsable sa kanyang mga tungkulin ay mga katangiang magagamit nila sa kanilang pagsuong sa mga hamon ng buhay paglaki nila.

O, ano pang hinihintay?  Tama na ang computer at tanungin ang mga bata kung gusto ba nilang magluto ng espesyal na hapunan para kay tatay o nanay na pagod sa trabaho…matipid na bonding para sa mga panahong dapat maghigpit ng sinturon.

2013 in review; matumal pero malaman

The WordPress.com stats helper monkeys prepared a 2013 annual report for this blog.

Here’s an excerpt:

The concert hall at the Sydney Opera House holds 2,700 people. This blog was viewed about 12,000 times in 2013. If it were a concert at Sydney Opera House, it would take about 4 sold-out performances for that many people to see it.

Click here to see the complete report.

Litanya ng isang Ina

Madaling maging pessimist sa mundong itong puno ng mga matitingkad na negatibo at mapupusyaw na positibo.  Pero bilang magulang hindi tayo pwedeng magsawalang-kibo at ipagwalang-bahala ang karimarimarim na estado ng ating lipunan dahil ito ang mamanahin ng ating mga anak at ng susunod na henerasyon.

Ang artikulong ito ay ibinunsod ng isang tawag, isang kakilala ang maagang nagwakas ang buhay.  Hindi sa anumang malubhang sakit o aksidente ngunit sa kamay ng mga sundalo ng pamahalaan na nagnanais magpalaganap ng kapayapaan sa mga liblib na probinsya sa pamamagitan ng pagtugis sa mga grupong sumasalungat sa mga programa ng pamahalaan.  Hindi na ako nagtatakang ang isang mahinhin at tahimik na dalaga ay nasawi sa isang umaatikabong labanan sa bundok.  Ang bulok na sistemang iniiralan natin ang nagtutulak sa pinakamahihinahon na mga anak ng bayan para pumanig sa dahas na pantapat sa marahas na reyalidad ng ating pamumuhay.  Ang mga tao raw na tahimik, parang bulkan kung magalit.  Lumagpas na siguro sa hangganan ang pagtitimpi ng mga kababayang harap-harapang hinahalibas ng mga kawalanghiyaan ng mga makapangyarihan.  

Sinong hindi magngingitngit?  Tayo raw ang boss pero kung pangatwiranan tayo ng ating mahal na “tagapaglingkod” ay punong-puno ng pagmamaliit sa ating kakayahang magsuri at mag-analisa ng mga bagay-bagay.  Marami ang magtatanggol na hindi lang ang presidente ang may pananagutan sa pagpapatakbo ng isang bansa, lalo na ang kanyang mga matatalinong edukadong mga tagapagsalita na talaga namang hindi mapapangatwiranan ng mga simpleng manong at manang na hindi nakatungtong sa mga paaralan.  Pero mahirap ipangatwiran ang nagdudumilat na mga ebidensya ng kawalang-hustisya sa ating lipunan.  Hindi ko kailangan ng doctorate degree para sabihing ang ating mga kababayan ay napagkakaitan ng tulong na nararapat lamang para sa atin pero napupunta sa mga hidhid at gahaman sa kayamanan at kapangyarihan.  At hindi lang iisang tao ang tinutukoy ko, alam naman siguro natin kung sino ang sino.

Tayo daw ang boss, pero hindi natin siya malapitan sa oras ng pangangailangan.  Sandamakmak na aroganteng bodyguards ang nakapaligid na handang sumaway sa sinumang hindi miyembro ng alta syudad na mangangahas lumapit sa pinakamakapangyarihang nilalang ng ating bansa.  Pero ang importanteng taong ito, isang sulat lang, aksyon agad ang mga nasa poder.  Wala daw tiwala sa NBI kaya sa pangulo pa nagpahatid sa Kampo Krame para isuko ang sarili. Iba talaga ang tinitingnan sa tinititigan.  Samantalang napakahaba ng pila sa mga pampublikong hospital, sa PCSO at sa mga Lotto outlets.  Maraming nangangailangan pero bakit sila lang ang pinapansin at tinutulungan?

Higit sa lahat, isa akong ina.  Inang nagtitiyagang pumila sa mga kulang sa pondong mga health center para maibigay ang mga pangkalusugang pangangailangan ng aking anak.  Magtitiyaga rin akong turuan at tulungan ang aking anak na makakuha ng mga scholarships para pondohan ang kanyang pag-aaral na dapat sana’y priority ng gobyerno.  Titiisin kong pagpasa-pasahan ako ng public health centers o hospital na walang sapat na training o kakayahang tugunan ang pangangailangan ng napakaraming mahihirap.  Magtatrabaho ako kahit sa bahay para may maihain araw-araw sa aking pamilya at may maidagdag sa kapos na sweldo ng asawang manggagawa.  Magbabayad ako ng buwis sa bawat pagkaing bibilhin at serbisyo ng gobyernong gagamitin kahit na may mga bill pa sa kuryente at tubig na dapat ding bayaran.  Pero alam ko sa kabila ng lahat,  hindi sapat ang sariling sikap.  Dapat mapagtanto ng ating maangas na pangulo na anumang kapangyarihang tinatamasa niya ngayon ay mula sa kalyuhing mga palad ng mga maliliit na mga taong nagtataguyod sa ating bansa.  Hindi man ako kasingedukada ng mga alipores ng palasyo, hindi ako bulag, pipi at bingi sa reyalidad.  Alam kong may magagawa at may dapat gawin ang pamahalaan para maresolba ang mga pangunahing isyung kinakaharap ng ating bayan.

Isa akong ina pero hindi lang ina.  Tao akong may kakayahang mag-ambag ng lakas at kakayahan para sa tunay at matagalang pagbabago.  Marami pa ang tulad ko, sana ay wag tayong pumayag na ganito kabulok ang bansang mamanahin ng ating mga anak. 

 

Ang martsa sa Luneta at ang ating mga indibidwal na pagpapahalaga

I’m baaaaack…with a vengeance, harharhar!

Napakatagal ko nang gustong muling ibalik ang tamis ng aking love affair sa mga followers ng blog na ito subalit may mga pangyayaring gusto man nating ilagay sa ating kontrol ay tila tuyong buhanging lumulusot sa pagitan ng ating mga nakakuyom na daliri.

Sa mahabang panahong inulila ko ang blog na ito, napakaraming ideya ang naghuhumiyaw sa aking isip; nagmamakaawang matalakay sa isang maikling post na bubuhay sa naghihingalo kong blog.

Kaya umpisahan natin sa pinakamainit na isyu, ang pork barrel scam na nagtulak sa libu-libo nating kababayang lumabas mula sa kanilang mga bahay sa panahon ng maulang holiday upang maki-jamming sa luneta kasama ang mga naglakas-loob na ring magpahayag ng kanilang saloobin.  Nakakalungkot nga lang na may mga kababayan tayong pumunta sa Luneta hindi para sa original purpose ng protesta kundi upang maki-uso at para may mai-share sa kanilang mga facebook accounts (na di naman maikakailang malaki ang naging papel sa pagtatagumpay ng nasabing martsa).  Bato-bato sa langit, huwag sa akin magalit.  Pasintabi na lang sa mga tatamaan, ako nama’y naghahayag lang ng aking pananaw.

Sa kabila nito, sa mga tunay na nakakaunawa sa pambababoy na ginawa sa taumbayan ng mga nasa likod ng nasabing pandarambong, injustice sa baboy na lagi siyang nadadawit sa kasibaan ng ilang ganid sa kwarta at kapangyarihan.  Ang baboy kasi, hindi choosy pero pag busog na ay tumitigil ding kumain.  Alam kasi ng baboy na pwede niyang ikamatay ang sobrang kasibaan pero hindi ganyan ang nature ng mga nasa likod ng nasabing pandarambong dahil ang gusto lang lagi nila ay magkamal nang higit pa sa nararapat at kinakailangan.

Kung susuriin natin ang ating values, sa kondisyon ng lipunang obsessed sa upgrading, nape-pressure tayong makisabay sa kung ano ang “in”, kahit pa labas ito sa ating “means”.  Labas pa sa isyu ng survival, mas pressured tayong sundin ang lahat ng ating wants dahil nga ito ang trend.

Bilang nanay, alam kong darating ang panahon na si tsikiting ay maghahanap ng mga makabagong gadgets para makasabay sa kanyang mga kaklase, kaibigan at iba pang nakakasalamuha pero sasagutin ko lang siya ng: “anak, di mo pa naman kailangan ang ganuong mga kagamitan, baka makasira lang sa pag-aaral mo iyan.  Hala, lumabas ka at makipaglaro para pawis-pawisan ka naman.” Dahil mas gugustuhin ko pang ilaan ang perang pambili sa mga mamahaling gadgets sa pag-iimpok para sa kanyang kinabukasan lalo pa’t alam kong wala tayong aasahang ayuda mula sa gobyerno sa usaping ito.  Hindi ba’t ang perang para sana sa edukasyon at kalusugan ng mga mamamayan ay ginagastos para sa luho ng iilang walang konsensya sa lipunan?   

Saludo pa rin naman tayo sa mga nag-martsa sa Luneta noong maulang Lunes pero sana ay hindi magtapos duon ang ating mga pagsisikap para ihanda ang isang maaliwalas na kinabukasan para sa susunod na salinlahi.  Busisiin din natin ang ating mga indibidwal na lifestyle na ipapamana sa ating mga anak.  Sila ba ay naitataguyod sa isang maluho pero kwestyonableng kapaligiran o sa simple at tapat na pamumuhay?

Ang sabi nga, nag-uumpisa ang lahat sa loob ng tahanan.  Susi sa lahat kung anong klaseng mga pagpapahalaga ang ipamamana natin sa ating mga anak para itakda kung magiging anong klaseng mga tao sila sa hinaharap.

Sabi ng matatanda

Parang kailan lang.  Ang nilalang na iniire ko sa mundong ito ay sasapit na sa kanyang unang kaarawan.  Unti-unti ay bubuo siya ng sarili niyang pagkatao ayon na rin sa paggabay at paghubog sa kanya ng kanyang mga magulang at ng mga taong nakapaligid at direktang nakakaimpluwensiya sa kanya.

Bilang isang ina, kumukuha ako ng aral at mga karanasan sa aking ina at lola.  Experience is the best teacher ika nga.  Gayunpaman, may mga paniniwalang bagamat hindi ko maunawaan ay sinunod ko…dahil sabi nila at may tiwala naman ako sa mga nagpalaki sa akin.  Wala namang mawawala kung susundin at mas nakakatakot ang mga consequence kapag sinuway ang sabi ng mga matatanda.

1.  Huwag paliliguan ang bata kung biyernes para hindi maging sipunin at sakitin.  Ang tatay ko ang malimit magpaalala nito na madalas ko namang suwayin lalo na kung mainit ang panahon.  Kaya ito lagi ang singil ng tatay ko kapag nalalaman niyang sinisipon o inuubo ang bata.

2.  Kapag naunang umupo ang bata kaysa lumabas ang unang ngipin, matatagalan bago mag-ngipin ang bata.  Naunang nag-ngipin ang anak ko bago siya natutong umupo kaya hindi ko kinailangang “pigilan” siyang matutong umupo na alam kong ginagawa ng ilang nanay na nahuling mag-ngipin ang anak.

3.  Pahiran ng mantikilya ang gilagid ng batang nagngingipin para hindi maselan ang pagngingipin.  May mga batang nagtatae o nilalagnat kapag tinutubuan ng ngipin.  Pinahiran ko ng mantikilya ang gilagid ng anak ko at parang walang anumang lumabas ang kanyang mga ngipin.  Hindi ko alam kung mas pinapadulas ba ng mantikilya ang paglabas ng mga ngipin pero sinunod ko ang paniniwalang ito.

4.  Laging magsabit ng blessed medallion o punglo ng bala sa damit ng bata para hindi lapitan ng masasamang espiritu.  Sinunod ko rin ito, better safe than sorry lalo pa’t sa modernong mundo natin ay marami pa ring bagay na hindi maipaliwanag at maunawaan ng modernong siyensiya.

5.  Lagyan ng krus sa noo ang baby gamit ang pulang lipstick kapag dadalhin sa ilang na lugar (bukid, bundok, etc).  Ginawa ko rin ito nang dalhin namin si baby sa probinsya dahil wala namang mawawala kung susundin at ayokong isugal ang kalusugan ng anak ko sa mga bagay na tanging mga albularyo lang ang makakapagpaliwanag.

6.  Huwag ihaharap ang baby sa salamin para hindi ito madalas mahulog.  Lagi kong inihaharap sa salamin ang anak ko para makita niya kung gaano siya ka-cute; umiiyak man o tumatawa.  Ilang pagkakataon na rin siyang nauntog at may isang pagkakataong nahulog siya sa kama pero simula noon ay mas mahigpit na ang ginagawa naming pagbabantay lalo pa’t napakalikot ni baby.

7.  Huwag kakargahin agad ang bata kapag pagod o kagagaling lang sa labas dahil baka mausog ang bata.  Lawayan sa tiyan o talampakan para makontra ang usog.  Ang scientific explanation nito ay kung pagod o gutom ang isang tao, may tendency siyang manghigop ng energy ng ibang taong mas mahina ang level ng energy sa kanya.  Alam nating napaka-vulnerable pa ng immune system ng mga bata kaya napaka-susceptible nila sa iba’t-ibang sakit na maaaring dala natin mula sa labas ng bahay.  Kaya to be on the safe side, huwag munang kakargahin ang baby kung pagod.

8.   Huwag direktang purihin ang katabaan o kabigatan ng isang bata dahil baka daw magkasakit ito.  Kaugalian ng mga nanay na magsabi ng “pwera usog” pag may pumupuri o direktang humahanga sa katabaan o kalusugan ng kanyang anak.  Ginagawa ko rin ito to be on the safe side.

Hindi lahat ng makaluma ay outdated o obsolete kung paanong hindi lahat ng moderno ay angkop at kapaki-pakinabang.  Pero sa isang inang tulad ko, habang may mga bagay sa mundong ito na hindi maipaliwanag o matugunan ng modernong kaisipan; sa tingin ko ay wala namang masamang magtiwala sa dunong (wisdom) ng karanasan.  Basta ang mahalaga, hindi natin ipinapagwalang-bahala ang mga bagay na maaaring makaapekto sa ating mga anak.

Kayo mga nanay…ano pang maidadagdag ninyo sa listahan ko?

 

Ang ina bilang manunulat

Priority ko man sa yugtong ito ng buhay ko ang pagpapalaki sa aking tsikiting, alam kong hinding-hindi ko maiaalis sa aking sistema ang pagsusulat.  Sa pagbasa sa annual report  ng wordpress sa blog na ito, napag-isip-isip ko na kailangan ko pang paghusayin ang aking sistema sa pagbo-blog upang ang aking pagiging nanay ay magsilbing balon ng inspirasyon at hindi pader ng sagabal sa aking pagsusulat.

Iba rin kasi pag alam mong maski papaano ay may nagbabasa sa isinusulat mo.  Hindi pwedeng masyadong AKO, dapat ay mas TAYO ang tono at tema.  Hindi ko man inasahan ay mayroon akong obligasyon sa aking mga mambabasa kaya hindi rin naman ubrang basta makapagsulat lang o di kaya ay isulat dito ang dapat sana ay sinasabi ko nang diretso sa isang partikular na tao sa aking buhay, hehe.  Ayoko namang maging pampublikong diary ko ang blog na ito, di ba?

Sa mga followers at naliligaw sa blog na ito; bigyan niyo naman ako ng ideya kung ano ang gusto ninyong malaman o isulat ng isang ordinaryong ina na katulad ko.  Baka kasi nakakaburyong na pag puro tungkol sa kananayan ang isinusulat ko pero siempre hindi maiiwasan ang ganoong paksa kasi ito nga ang pamagat ng blog na ito, di ba!

Kaya habang wala pa ang mga suggestions, isusulat ko muna ang paksang gamay na gamay ko: ang pagiging nanay na nagtatangkang maging manunulat.

2012 in review: maski papaano nairaos ang 2012!!! Salamat sa lahat ng viewers at followers!!!

The WordPress.com stats helper monkeys prepared a 2012 annual report for this blog.

Here’s an excerpt:

600 people reached the top of Mt. Everest in 2012. This blog got about 4,000 views in 2012. If every person who reached the top of Mt. Everest viewed this blog, it would have taken 7 years to get that many views.

Click here to see the complete report.